Mahigit 100-kilo ng tilapia ang naani kahapon, Marso 12, sa Magat Dam Aquaculture Park sa isinagawang unang pag-aani mula sa bagong proyekto na High Density Polyethylene circular fishcage na inilagak noong nakaraang taon sa Ramon, Isabela.

Sa pangangasiwa ng Isabela Aqua Agriculture Cooperative (ISAACO), layon ng high-density fishcage na maitaas ang produksyon ng pangisdaan gamit ang makabagong pamamaraan. Ang paglalagak ng HDPE Fish cage sa mga lugar na gaya ng Magat Dam ay kumakatawan sa mga bagong teknolohiya sa aquaculture, na inaasahang makatutulong sa pagiging produktibo ng mga lokal na mangingisda. Sa kabila ng mga hamon sa klima at iba pang panganib, ang fishcage project ay nagbibigay daw ng positibong kontribusyon sa kabuhayan ng mga residente sa nasabing bayan.

Tinuran ni Susana Rivera, chairperson ng ISAACO, ang kahalagahan ng pagtutulungan sa proyekto. “Umpisa na natin makakamtan ang pag angat ng ating kooperatiba at magpapatuloy ito kung tayo ay magkakaisa. Hiningi ko ang suporta at pagmamalasakit ng bawat miyembro sa proyektong ito. Ipagpatuloy natin ang maganda natin nasimulan,” ayon pa sa kanya.

Binigyang-diin naman ni Atty. Ronaldo Libunao, Hepe ng Fisheries Production Support Services Division, ang kahalagahan ng proyekto. “Ang fishcage na ito ay hindi lamang naglalarawan ng sinseridad ng ating mga mangingisda kundi nagbibigay din ng pagkakataon sa ating mga kababayan na magkaroon ng masaganang ani at kita,” aniya.

Ang naturang pagtitipon ay dinaluhan din ng mga lokal na opisyal, mga miyembro ng mga mangingisda, at iba pang stakeholders na sama-samang nagdiwang sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyekto.

Magsisilbing modelo ang 4-unit HDPE Circular Fishcage sa iba pang bayan sa bansa na nais sundan ang ganitong inobatibong hakbang sa industriya ng pangingisda.#