TUGUEGARAO CITY-Patay ang 11 katao na sakay ng pick- up matapos masangkot sa aksidente sa bahagi ng Brgy. Ayaga, Abulug, Cagayan ng bago ala-una ng madaling araw kanina, Hulyo 11, 2024.
Sa ulat ng pulisya, namatay sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr., ang magkapatid na sina Evelyn Time at Christina Jane Time, kasama ang kanilang mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Crishia Shane Time ,Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time, at Angel Time at isa pa na di napangalanan.
Nabatid na ang driver ng pick up ay si Nestor Mangupag na residente ng Gattaran at mga pasahero nito ay magkakamag-anak na pawang residente sa bayan ng Allacapan habang ang driver naman ng bus ay kinilalang si Jay-jet Andrada na residente ng barangay Logac, Lal-lo, Cagayan.
Sa panayam kay Police Major Antonio Palattao, hepe ng PNP Abulug, galing umano sa isang lamay sa bahagi ng Flora, Apayao ang pick up lulan ang 13 katao na pauwi sana sa Brgy. Dana-Ili, Allacapan habang ang Florida Bus naman ay binabaybay ang pambansang lansangan mula Baguio City patungong Sta. Ana, Cagayan.
Aniya, batay sa inisyal na pagsisiyasat, nang palabas umano ang nasabing pick-up truck sa provincial road ng Brgy. Ayaga ay dito sinalpok ng bus na nasa proseso ng pagtahak sa pambansang lansangan na nagresulta ng malakas na banggan ng dalawang sasakyan.
Dahil sa lakas ng impak, dumeretyo ang pick up sa isang talipapa habang sumadsad naman ang bus sa pader ng isang establisyimento sa lugar.
Inihayag pa ni PMAJ Palattao na bukod sa driver ng pick up at isang dalagitang pasahero nito ay wala ng iba pang nakaligtas matapos ang banggan. Nabatid pa na nabalian naman ng paa ang driver ng bus at nagtamo ng gasgas sa kanilang katawan ang ilang pasaherong sakay nito ngunit nasa maayos nang kalagayan.
Sa ngayon aniya ay susuriin din ng pulisya ang mga nakalap na CCTV Footage sa lugar upang matukoy at makumpirma ang kabuuang sanhi ng naganap na aksidente.
Samantala,sinabi ni Major Palattao na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang driver ng bus. #
![](https://www.balitanghilaga.net/wp-content/uploads/2024/07/449307862_1007993103811689_7494076055877439266_n-1024x577.jpg)
![](https://www.balitanghilaga.net/wp-content/uploads/2024/07/449345174_1010344723551836_6022863676703464066_n-1-578x1024.jpg)