Nabiyayaan ang 1,200 katao mula kay Senador Francis Tolentino bilang ayuda at bahagi ng Assistance in Crisis Situation (AICS) sa kanyang pagbisita sa San Guillermo, Isabela.

Kabilang rito ang 600 na mga residente na nabigyan ng tig-P2,000 na tulong pinansyal at 600 rin na nabigyan ng food packs bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyo noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, nangako ang senador na sususugan ang Rice Tariffication Law.

“Kung saan malaki ang yung magiging pakinabang ng mga magsasaka, yun ang isusulong natin kasi hahayaan natin yung National Food Authority  na maglabas ng bigas na kapalit ay mga locally-produced rice,” ayon pa kay Senador Tolentino.

“Sa susunod na termino, in God willing lalong tututukan ni Sen Tolentino ang agrikultura pati narin sa fisheries,”ayon pa sa kanya.

 Kasama ni Senador Tolentino sina dating Senador Manny Pacquiao at dating DILG Secretary Benhur Abalos na kapwa mga miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas na tatakbo sa halalan sa Mayo sa paglilibot sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Isabela ngayong Martes, Enero 21.

Kabilang sa mga binisita ng tatlong mga opisyal ay ang mga bayan ng Alicia, Cauayan City, Angadanan, Echague, at San Guillermo, pawang mga bayan sa Isabela.#