Courtesy: Dave Erro

Sugatan ang 13 magsasaka matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang kuliglig o improvised na sasakyan na hand tractor sa kahabaan ng National Highway na bahagi ng Roxas, Isabela.

Kinilala ang mga biktima na sina Alfredo Altura, Jodel Tabelisma, Rico Darwin, Edwin Obina, Rachelle Buscas, Mitch Valdez, Oscar Tabelisma, Vincent Antonio, Angelica Agustin, Renator Buscas, Ryan Jay Pareñas, Johnson Bicena at isang menor de edad na pawang mga residente ng San Manuel, Isabela. Kritikal ang ilan sa kanila.

Sa ulat ni Police Staff Sgt. Kennedy Gorospe, tagasiyasat ng Roxas Police Station, parehong binabagtas ng kuliglig o hand tractor at pampasaherong bus ang National Highway patungong Lalawigan ng Kalinga.

Mabilis umano ang patakbo ng bus at dahil sa walang ilaw at reflectorized ang kuliglig ay hindi ito napansin ng bus dahilan kaya’t nabangga ito.

Nagtamo ng malubhang sugat sa kawatan ang mga biktima at agad namang naisugod sa pagamutan ngunit tatlo sa mga ito ang inilipat ngayong araw sa Cagayan Valley Medical Center sa Lungsod ng Tuguegarao.

Hindi nasaktan ang driver at mga pasahero ng nakabanggang bus.

Napag-alaman na makikitanim lang sana ng palay ang mga biktima sa Kalinga nang mangyari ang banggaan. Nasa kustodiya na ng Roxas Police Station ang drayber ng bus na di na isinapubliko ang pangalan dahil sa Data Privacy Act kung saan inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to property.#