Kasalukuyang pinaghahanap ang isang 14-anyos na binatilyo matapos malunod sa Chico River na bahagi ng Barangay Sta Barbara, Piat, Cagayan kahapon, Pebrero 14, 2025.
Inihayag ni Jamelee Tanguilan, station manager ng Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) Tuao station, pasado alas tres ng hapon kahapon nang malunod ang binatilyo na di na ibinunyag ang pangalan dahil sa data privacy at residente ng Brgy. Maguilling sa nasabing bayan, na agad namang nirespondehan ng kanilang grupo.
Kasama raw ng biktima ang apat pa nitong mga kaibigan na pawang mga menor-de-edad na naligo sa nasabing ilog.
Habang naliligo ay napunta sa malalim na bahagi ng ilog na dahilan ng kanyang pagkalunod.
Hindi namang nagawang tulungan ng kanyang mga kasamahan dahil malakas umano ang agos ng tubig.
Sinabi ni Tanguilan na katuwang na rin ng kanilang grupo sa paghahanap ang Philippine Coast Guard (PCG), mga otoridad at mga residente sa lugar.#