Courtesy: MDRRMO-Piat

Natagpuan na ang bangkay ng isang 14-anyos na binatilyo kanina, Linggo, Pebrero 16, 2025 sa ilog na bahagi ng Santo Nino, Cagayan, dalawang araw matapos malunod sa Chico river na bahagi ng Barangay Sta. Barbara, Piat, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Jake Era, 15-anyos na residente ng Brgy. Maguiling sa bayan ng Piat, Cagayan.

Ayon kay Engr. Jay-jay Casibang, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Piat, natagpuan ang bangkay sa Chico river na bahagi ng Brgy. Centro Norte sa bayan ng Sto. niño.

Palutang-lutang na ang katawan ng biktima nang makita ito ng mga residente na nagpabatid sa mga kinauukulan.

Kinumpirma ng ama ng naturang binatilyo na ang natagpuang bangkay ay ang kanyang anak na nawawala.

Una rito, pasado alas tres ng hapon nitong Pebrero 14, 2025 nang maligo ang biktima kasama ang apat na kaibigan na pawang mga menor de edad sa nasabing ilog nang mapunta ito sa malalim na bahagi na dahilan ng kanyang pagkalunod.

Bagama’t agad namang nagsagawa ng search and rescue ang mga rescuer kabilang na ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Piat at Philippine Coast Guard ay hindi agad nakita ang katawan ng biktima hanggang sa natagpuan ngayong araw.#