Camp Tirso Gador, Tuguegarao City – Narekober ng mga otoridad ang hinihinilang ilegal na droga na lumulutang sa dagat sa pagitan ng Munisipyo ng Abulug at Ballesteros, Cagayan kahapon, Marso 21.
Ayon sa paunang ulat, inireport umano ni Punong Barangay Erwin Lobas ng Brgy Sanja, Aparri, Cagayan na bandang alas 9:00 ng umaga, tinawagan siya nina Reymark Leste at Williard Labbao, parehong mangingisda na residente ng nasabing barangay, habang sila ay nangingisda ay may nakita silang lumulutang na bagay na natalian ng itim na goma sa dagat habang sila’y nangingisda gamit ang motorized bangka (Lampitao) at dinala ito sa pampang. Base sa report agad naman itong itinawag ng kapitan sa Headquarters Regional Maritime Unit 2 (HRMU2) para ikumpirma ang nasabing report.
Pagkatanggap nito ay agarang kumilos ang pinagsanib na pwersa ng HRMU2, Aparri Maritime Police Precint (MPP), Eastern Cagayan Maritime Police Station (MARPSTA), Western Cagayan MARPSTA, Aparri PS, 2PMFC, CPPO, RID2, RIU2, PDEA2, RDEU2 at Marine Battalion Landing Team 10 (MBLT10) at naiturn-over nga ang tatlong pack ng hinihinalang Cocaine na may bigat na mahigit kumulang sa tatlong kilo at tinatayang nagkakahalaga sa Labing limang milyong piso.
Dinala ang mga hinihinalang drug items sa HRMU2 para sa dokumentasyon at isinumite sa Laboratory Section ng PDEA RO2 para sa naaangkop na Laboratory Examination.
Samantala, nagpakita ng senyales ang mga asong K9 ng PDEA na positibo sa ilegal na droga ang mga nabanggit na kontrabando.
Base sa pakikipanayam ng PIO Cagayan PPO kay Pol. Lt. Gladys Ann Guanga, Public Information Officer ng Maritime Group, sinabi nito na ang tatlong hinihinalang bricks ng iligal na droga ay positibong cocaine na tinatayang humigit kumulang na tatlong kilo base sa laboratory test na isinagawa ng PDEA RO2.
Sa ngayon ay patuloy pa din ang pagsasagawa ng sea born operation kasama ang high speed tactical water craft 29 crews at iba pang operatiba ng kapulisan at PDEA para sa posibleng recovery pa ng natitirang item na kasama ng mga naunang narecover.(PDEA Region 2)