Sabay-sabay na ikinasal ang 177 na magkasintahan sa ginanap na kasalang bayan ng siyudad ng Ilagan na ginanap sa Capital Arena, City of Ilagan, Isabela ngayong araw Pebrero 28, 2025.
Kabilang sa ikinasal sina Alfredo Cabison, 73 anyos, at Marcela Cabison, 67 anyos, mula sa Barangay Capo. Sila ang pinakamatandang pares na ikinasal at 54 taon na silang nagsasama bago nila napagpasyahang magpakasal.
“Kahit may edad na, gusto pa rin naming maikasal. Mas maganda kasi kapag may basbas,” ani Alfredo.
Samantala, pinakabata naman sa ikinasal sina John Mark Gangan, 19 anyos, at Antonia Aggabao Gangan, 18 anyos, na may anak na isang-taon at walong-buwang taong gulang. “Gusto naming maging married ang status namin sa birth certificate ng aming anak,” pahayag ni Antonia.
Kabilang din sa mga ikinasal ang magkaparehang LGBTQ+, sina Tripon Joey Castillo, 19, at Judilyn Blen Castillo, 21, mula Brgy. Pilar, na mayroon nang tatlong-buwang gulang na anak na babae.
Napagdesisyunan din ng mag -asawang Agta na sina June Juaning, 41, at Wanda Juaning, 39, mula Brgy. Cabisera 10 ang lumahok sa kasalang bayan matapos ang mahigit dalawampung taon nilang pagsasama.
“Kailangan ito para sa aming mga anak, para tularan nila kami at mapatunayan naming mahal namin ang isa’t isa,” ani June.
Binigyang-diin naman ni Mayor Josemarie Diaz sa kanyang mensahe ang apat na mahahalagang birtud para sa isang matatag na pagsasama.
“Ang relasyon ng mag-asawa ay isang desisyon at pagpili. Kaya dapat tandaan ninyo ang apat na birtud na ito: Una, pagmamahal—ang dahilan kung bakit kayo narito. Pangalawa, respeto sa isa’t isa bilang haligi at ilaw ng tahanan. Pangatlo, katapatan at bukas na komunikasyon upang mapanatili ang tiwala. At panghuli, pagiging tapat at matibay sa relasyon—lumayo sa tukso at manatiling tapat sa isa’t isa,” dagdag niya.#