Courtesy: PNP-Region 2

CAMP MARCELO A ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Nasakote ng mga otoridad ang dalawang illegal logger matapos walang maipakitang legal na dokumento ang kargamentong humigit kumulang sa walong daang board feet ng Narra at softwood sa Sta. Ana, Cagayan kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Johnlock Gerardo, 25 anyos at Joel Valentino, 36 anyos, pawang mga residente ng nabanggit na bayan.

Nasamsam mula sa dalawa ang 862.61 board feet ng Narra at softwood na tinatayang nagkakahalaga ng P42,250.95.

Habang nagsasagawa umano ng information operations ang mga tauhan ng PNP Sta. Ana, namataan ang dalawa na nagkakamada ng mga nasabing kontrabandong kahoy at nang siyasatin ay wala umanong naipakitang legal na dokumento ang mga ito.

Ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng Sta. Ana Police Station at sumailalim na sa Inquest Proceedings kanina para sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705. #