CAMP MARCELO ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Dalawa pang pamilya ang nahandugan ng libreng pabahay sa pagpapatuloy ng PRO2 Lingkod Bayanihan BARANGAYanihan Pabahay Project sa lungsod ng Santiago kamakalawa.

Sina Nanay Grace Ruiz ng Barangay Sinsayon at Lola Filomena Abalos ng Barangay Divisoria, parehong sa lungsod ng Santiago ang mga napiling benepisyaryo ng mga nasabing proyekto.

Pinangunahan ni Police Brigadier General Steve Ludan, Regional Director, Police Regional Office 2 kasama si Police Colonel Reynaldo Dela Cruz, City Director, Santiago City Police Office ang turnover ceremony sa mga napiling mga benepisyaryo ng Pabahay Project ng kapulisan.

Masayang tinanggap ng mga pamilya ang susi ng kanilang bagong bahay kasama ang mga naipamahaging mga grocery items, bigas at ibang pag mga pangunahing pangangailangan.

Ang pamilya ni Ginang Grace Ruiz ang napili ng All-women City Mobile Force Company (CMFC) sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Ednalyn Pamor, Force Company pagkatapos makita mismo ang kanilang kaawa-awang kalagayan. Gawa sa tagpi-tagping lumang yero at plywood ang kanilang bahay na bukod sa luma na at marupok ay nababaha sa tuwing umaapaw ang sapa sa tabi ng kanilang bahay kapag may malakas na pag-ulan.

Nakausap pa ni Police Lieutenant Jaydee Lunggami, Team Leader ng CMFC ang namayapang karpintero at barangay volunteer na si Joseph Ruiz, asawa ni Aling Grace nang magtungo ang grupo nito noong Hunyo ng kasalukuyang taon upang alamin ang kanilang kalagayan, subalit sa kasamaang palad ay sumakabilang buhay ang ama ng tahanan noong Julyo 23, 2021 bago pa man maumpisahan ang paggawa ng kanilang bahay.

Sa makabagbag damdaming mensahe ni Clarissa, anak ni Grace, ikinuwenti nito na noong nabubuhay pa ang kanilang ama ay pangarap niya ang magtayo ng disenteng bahay para sa kanila subalit dahil halos kulang ang kanyang kinikita bilang karpintero at paminsan-minsan ay umeekstra sa konstruksyon ay tanging mga nahihingi nyang pira pirasong kahoy at yero ang kanyang naiuuwi na siyang kanyang pinagtagpi-tagpi upang mabuo ang kanilang barong-barong.

Samanta si Lola Filomena, 83 taong gulang, isang balo at hindi na makakita ang napili ng Mobile Police Unit (MPU) sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Rex Pascua na patayuan ng bagong bahay. Sa kwento ni lola nag-umpisa umanong lumabo ang kanyang paningin noong siya ay 69 taong gulang at dahil sa kapos sa buhay at walang kakayahan na magpatingin sa doktor ay tuluyan na siyang nabulag. Ang kanyang munting bahay ay gutay-gutay na at tumutulo kaya naman tuwing bumabagyo ay kung saan saan siya nakikisilong kasama ang kanyang anak na naghahanapbuhay bilang dispatcher sa isang terminal ng jeep sa lungsod.

Samantala, pinuri ni RD Ludan ang mga Valley Cops na patuloy na nagsisilbing instrumento ng Maykapal para maiparating sa mga kapus-palad nating mga kababayan ang tulong na kanilang kailangan.  Nagpasalamat din ito sa mga volunteers, municipal at barangay officials, at mga inidibidwal at grupo na nagmamalasakit at nakikiisa sa proyekto.

Ang blessing ng mga bagong bahay ay pinasinayaan nina Rev. Fr. Francis Tamanu, Chaplain ng University of La Salette at Rev. Diosdado Ayenza ng Christian Community Church sa lungsod ng Santiago.

(Courtesy:PNP-Region2)