By: BH Team

Patay ang isang 20-anyos na estudyante habang sugatan ang backrider nito nang masalpok ng closed van ng isang kumpanya ang sinasakyan nilang motor sa kahabaan ng national road sa Alibagu, City of Ilagan, Isabela.

Ang nasawi ay kinilalang si John Leuven Donato, 20 anyos, mag-aaral, habang sugatan naman ang back rider na si Richard Novel Paguirigan, 17 anyos, mag-aaral kapwa residente ng Brgy. Dimagused, Dinapigue, Isabela.

Kinilala naman ang drayber ng closed van truck na si Jefferson Lucero, 39 anyos, may asawa, driver, at residente ng Brgy. San Manuel, Naguilian, Isabela.

Papunta raw ng Barangay Baligatan ang motor habang ang closed van ay papunta ng Naguilian.

Sa bilis raw ng takbo ng motorsiklo, napunta ito sa linya sa kabila at sumalpok sa kasalubong na closed van.

Ang driver at backrider ng motorsiklo ay dinala ng rescue team ng DART 831 sa Isabela Doctors General Hospital (IDGH) sa Brgy. Baligatan, habang ang driver ng truck ay dinala sa Governor Faustino N. Dy Sr. Memorial Hospital sa Brgy. Calamagui 2nd.

Idineklarang dead on arrival (DOA) si Donato ng umasikasong doktor habang kritikal si Paguirigan.#