CONTRIBUTED PHOTO

BH Reportorial Team

Pinalawig ng dalawampung araw ang Temporary Restraining Order na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 3 na nagbabawal kay Governor Manuel Mamba at mga department heads ng Kapitolyo na maglabas at gumasta ng pondo ng pamahalaan sa panahon ng eleksyon.

Napagdesisyunan ng korte na palawigin ang TRO matapos ang isinagawang pagdinig sa argumento ng mga partido na kung saan nakitaan ito ng balidong rason sa pagpapalawig nito.

Matatandaan na nagsampa ng kaso si Atty. Victorio Casauay laban kay Mamba at ilang department heads dahil sa paglabag sa COMELEC Resolution 10747 na mahigpit na pinagbabawal sa release, disbursement at expenditures sa anumang uri o paraan sa panahon ng kampanya gamit ang pondo ng gobyerno.

Sa kabila ng paglabas ng TRO, hindi pa rin nagpapigil ang kampo ni Mamba sa iligal na pamumudmod ng pera sa mga mamamayan. Katunayan, nag cash advance pa ito ng 550-milyong piso mula sa pondo ng Kapitolyo na hindi malinaw kung paano at saan gugugulin ang pondo. Kaugnay nito, hindi mangingimi ang mga otoridad na hulihin ang sino mang maaktuhang nagsasagawa ng iligal na gawaing ito sa pondo ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan maging ang mga empleyado ng gobyerno.#