Abot sa 20 na mga estudyante ang nasugatan at dinala sa ospital makaraang bumaligtad ang kanilang dyipni sa bahagi ng national road sa Sitio Saleng, Balantoy, Balbalan, Kalinga.
Papunta sana ang mga bata na kabilang sa 30 estudyante sa drum and lyre competition bilang kinatawan ng Balbalan sa Kalinga Bodong Festival sa Pebrero 13.
Sa ulat sa panlalawigang tanggapan ni Police Capt. Tyrone John Balanay, hepe ng PNP-Balbalan, maghahanda sana ang mga bata sa pagsasanay at tutungo sa Tabuk City bago ang paligsahan.
Sa pagsisiyasat ng kapulisan, nawalan ng preno ang dyip sa isang palikong daan at para maiwasan ang bangin sa kanang bahagi, nakabig nito ang manibela kaya ito bumaligtad sa kaliwang bahagi ng kalsada.
Wala namang nasawi sa aksidente dahil maagap raw ang rescue ng mga sundalo at pulis sa lugar.#