Curtesy: CIDG

Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)  ang nasa mahigit tatlong milyong pisong halaga ng pekeng mantika sa Santiago City, Isabela.

Sa isinagawang raid ang CIDG Santiago City Field Unit – CIDG Regional Field Unit 2 kasama ang Food and Drug Administration (FDA) North Luzon Cluster sa NB Cooking Oil Trading Warehouse sa Brgy.  Buenavista, Santiago City, nasakote ang tatlong suspek na sina alyas ‘Bonaleth’, owner at manager ng Cooking Oil Trading; alyas ‘Catherine’ bilang cashier at alyas ‘John’ bilang delivery worker habang nagbebenta at namamahagi ng recycled, walang label, hindi rehistrado at pekeng mantika.

Kabilang sa mga nakumpiska sa warehouse ang nasa 173 gallons ng hinihinalang recycled at adulterated unlabeled cooking oil; digital weighing scale; funnel; isang closed van at isang ten-wheeler tanker truck na may markings na NB Cooking Oil at tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng nasa Php 3,500,000.00.

Habang ang mga suspek ay kinasuhan sa harap ng National Prosecution Service para sa mga paglabag sa Section 11(k) ng RA 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) dahil sa pagbebenta ng hindi rehistrado o misbrand na mga produktong pangkalusugan; RA 7394 (Consumer Act of the Philippines) para sa maling label at hindi ligtas na mga kalakal; at RA 10611 (Food Safety Act of 2013) para sa paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain at pagbebenta ng mga adulterated o misbrand na produkto.

Agad naman ipinasara at ikinandado ng FDA North Luzon Cluster ang bodega dahil sa hindi pagsunod sa mga batas at regulasyon ng FDA.

Binigyang-diin naman ni PMGen Nicolas D Torre III, Director of CIDG, na pinoprotektahan ng pamahalaan ang karapatan at kalusugan ng mga mamimili mula sa mga malpractice na kalakalan at sa mga substandard o mapanganib na mga produkto.

Hinimok din ni Torre III ang publiko na maging mapanuri sa mga produktong kanilang binibili at agad ipaalam sa kanilang tanggapan ang anumang illegal trade practices upang agad itong maaksyunan.#