Mahigit 33,000 pamilya ang malamang na mawalan ng tirahan dahil ang Typhoon Crising ay inaasahang hagupitin ang mga lalawigan ng Cagayan Valley sa mga susunod na araw.
Sa isang news briefing ng Hulyo 17 (Huwebes), ipinabatid ng Department of Social Welfare and Development-Region 2 na inaasahang ang Cagayan ang pinaka-apektado na may 477,256 katao o 31,651 pamilya na mangangailangan ng 127,108 food packs.
Ang Isabela ay mayroong 9,593 katao o 1,173 pamilya na malamang na mawalan ng tirahan na may 3,090 food packs na kailangan, dagdag ng DSWD.
Malalagay din sa peligro ang Nueva Vizcaya na may 4,198 katao o 336 na pamilya ang maaapektuhan, na nangangailangan ng 1,175 food packs.
Kaugnay nito, naghahanda na rin ang mga magsasaka sa mga puwede nang anihin na mga palay at mais kaysa masira ng paparating na bagyo, ayon kay Roxanne Bareng-Ramirez, 33-anyos na residente ng Barangay Lullutan, City of Ilagan, Isabela.
Sa panayam ng Balitang Hilaga at ng GMA News, sinabi ni Ramirez na mas mabuti na raw na maisalba nila ang bahagi ng mga pananim kaysa lalo pang lalaki ang kanilang lugi sa sakahan o taniman kapag nasira ito ng paparating na bagyo.#