Courtesy: CPIO

Nasa 40 koponan ng mga mag-aaral ang nagpasikatan sa paggawa ng tulay miniature o building construction miniature gamit ang mga barbeque sticks at glue sa kauna-unahang Bridge Building Competition na bahagi ng ika-442nd Aggao Nac Cagayan 2025 sa isang pribadong mall sa lungsod ng Tuguegarao.

Gamit ang barbecue sticks at stick glue, naipakita nina Shem Japeth Manalo, Jaybee Butel, at Princess Davie Tagalicud ng Cagayan State University-Carig Campus ang kanilang galing sa pagbuo ng matibay at maayos na miniature bridge.

Ayon kay Engr. Kathleen Mei Bagasin, Program Coordinator ng nasabing aktibidad at Chief Construction Division ng PEO, binuo ng kanilang opisina ang nasabing aktibidad sa layuning mahasa ang mga nangangarap na maging inhinyero sa kanilang kakayahan na bumuo ng proyektong matibay at magagamit ng pangmatagalan.

Ayon kay Bagasin, ang paggawa nito ay para makita raw “ng mga future engineers paano talaga ginagawa. Kasi parang real life situation yung pinagawa namin sa kanila. From the procurement hanggang matapos yung project nila para makita nila yung structural integrity ‘nong bridge nila.”

Bawa’t koponan ay binubuo ng tatlong estudyante kung saan ay binigyan sila ng 15 minuto para magdesisyon sa mga gagamiting materyales sa kanilang miniature bridge gamit ang 150 barbecue sticks, 5 glue sticks, 2 cutters, 1 cutting board, 1 glue gun, 3 pencils, 1 ruler, at 5 bond paper.

Mula sa mga materyales na gagamitin, binuo ng mga kalahok ang kanilang miniature bridge sa loob ng dalawang oras at tatlumpung minuto.

Ang bawa’t miniature bridge na ginawa ay nakabase lamang sa 15 truss bridge designs na ibinigay ng PEO na may habang 52-54cm, taas na 10-15cm, at lapad na 10-15cm. Ang sinomang lalagpas o kukulangin sa nasabing sukat ay ituturing na automatic disqualified.

Maliban sa bridge structure, sinukat din ang tibay ng bawa’t bridge miniature sa pmamagitan ng pagsabit ng bag ng buhangin na tumitimbang ng dalawang kilo. Sa bawa’t tatlong segundo ay nagdadagdag ng bag ng buhangin hanggang maabot ang maximum weight na 40kilos.

Sa huli, nagwagi ang miniature bridge ng Team 13 na binubuo nina Manalo, Butel, at Tagalicud na nag-uwi ng plake, certificate of recognition, at cash prize na P20,000.

Nakuha naman nina Resty Chilagan, Jhon Mar Labrador, at Ria Linda Nedic ng CSU-Carig ang first runner up at tumanggap sila ng plake at cash prize na P10,000. Sina Jomer Dumlao, Michael Angelo Talal, at sina Christian Jake Doctolero ng University of Cagayan Valley ang nakasungkit ng 2nd Runner Up, tumanggap naman sila ng plake, at P7,000 na papremyo.

Napagwagian naman ng Team 20 na binubuo nina Carlos Bagunu, Christian Datul, at Jacob Antonio ng University of Saint Louis Tuguegarao ang Best in Bridge Design & Craftmanship.#