Kinumpirma ng 5th Infantry Division (5ID) Philippine Army na mayroong limang bangkay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang natagpuan sa pinangyarihan ng engkwentro sa bulubunduking bahagi ng Barangay Dungeg, Sta Teresita, Cagayan.

Ito’y matapos mapasok ng tropa ng militar ang kuta ng mga rebeldeng grupo kung saan naglunsad ang Philippine Air Force ng airstrike, kahapon, Setyembre 21, 2021.

Batay sa inilibas na datos ng 5ID PA, maliban sa limang cadaver, nakita rin sa lugar ang dalawang M16 Rifles; isang Bushmaster Rifle; limang Anti-Personnel Mines (APMs); One isang hand grenade; apat na magazines ng M16 rifle; pitong ammunition ng M79 grenade launcher;isang roll ng detonating cord; limang two-way radios;dalawang radio chargers; limang SD cards; apat na USBs; apat na Cellphones; isang camera; isang tablet; Medical supplies at equipment; at subersibong mga dokumento.

Isinasagawa ang clearing operation ng mga militar maging ang pursuit operation sa mga posibleng kasamahan pa ng mga namatay na na rebelde.

Patuloy naman na naka-alerto ang hanay ng PNP katuwang ang mga Local Government Units na ngayon ay nakataas sa high risk checkpoints para sa posibleng exit point ng mga rebelde.

Nanawagan rin sa komunidad ang mga otoridad na kung may nalalaman na kahinahinala na indibidwal ay maaring ipagbigay alam lamang sa mga kinauukulan.

Matatandaan kahapon ng alas-4 ng umaga ay nabulabog ang mga residente na sakop ng bayan ng Sta. Teresita, Gonzaga at Sta. Ana dahil sa narinig na tunog mula sa mga aircraft.

(Courtesy: CPIO)