Umani ng papuri ang isang 57-taong gulang na ginang mula sa Zitanga, Ballesteros matapos siyang grumadweyt ng Senior High School sa Ballesteros National High School sa Ballesteros, Cagayan.
Isa si Ginang Armelyn Areola sa 519 na grumadweyt sa Batch 2025 at kabilang sa Alternative Learning System (ALS).
Pinarangalan rin siya na “Outstanding” sa Technical-Vocational Education sa Dressmaking.
May asawa at tatlong mga anak si Ginang Armelyn, kahit hirap sa buhay at minsan ay sugat na ang mga kamay dahil sa pakikilabada at pagod ang paa dahil naglalakad lamang umano ito para makapasok sa paaralan para matipid ang pamasahe, ipinagpatuloy parin ni Armelyn ang pag aaral at pagtataguyod sa sarili sa pang araw-araw.
Ayon sa ginang, basta’t may tiyaga, sipag, at paniniwala sa sarili hindi magiging hadlang ang edad para maabot ang pangarap. #