Courtesy: DOLE Region 2

Nakatanggap ng P3.6 milyong halaga ng pasahod ang 754 na Cagayano para sa manggagawang naapektuhan ng nagdaang mga bagyo sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program sa mga bayan ng Ballesteros, Claveria, at Pamplona.

Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱4,800.00 sa payout na ginanap sa Pamplona Gymnasium noong Enero 29, sa pangangasiwa ng DOLE Cagayan Field Office. Ang inisyatiba na ito ay isang bahagi ng tugon ng DOLE sa mga residenteng naapektuhan o nawalan ng trabaho dahil sa pananalasa ng mga bagyong Marce, Ofel, Kristine, at Pepito noong 2024.

“Malaki ang naitulong ng TUPAD sa amin. Nais kong pasalamatan ang ating gobyerno sa  suporta at malasakit na nagbigay-daan upang makabangon at magpatuloy sa aming pamumuhay,” saad ni Jerelyn Gascon, isang TUPAD worker.

Binigyang-diin naman ni Cagayan Field Office Head Laura Diciano ang kahalagahan ng natanggap na sahod ng mga benepisyaryo.

“Ang natanggap niyong sahod ay bunga ng inyong sipag at tiyaga. Nawa’y magamit ninyo ito nang wasto at may kabuluhan para sa inyong pamilya. Ito rin ay isang pagkilala sa inyong sipag at dedikasyon,” saad ni CFO Head Diciano.

Sa kabuuan, nitong Enero, ang DOLE ay nagbigay ng mahigit P9.5M na TUPAD salary sa 1,975 benebisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan.#