Photo Courtesy: PVET

Baggao, Cagayan – Mahigit 891 na aso at pusa ang nabakunahan laban sa rabies sa isang malawakang kampanya ng Provincial Veterinary Office (PVET) ng Provincial Government of Cagayan kamakailan lamang sa Baggao, Cagayan.

Ito ay bilang pagsuporta sa pagdiriwang ng Rabies Awareness Month ngayong Marso na may temang “Rabies-free dogs and cats, safety of the Filipino family.” Ang libreng bakunahan ay isinagawa sa mga barangay ng San Miguel, San Jose, Sta. Margarita, at Asassi, kung saan 501 na may-ari ng alagang hayop ang nakinabang.

Pinangunahan ito ni Dr. Wilfredo Iquin Jr., Supervising Agriculturist ng PVET, kasama ang Municipal Agriculture Office (MAO) at mga opisyal ng barangay. Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian IV, layunin ng kampanya na hindi lamang mabakunahan ang mga alagang hayop kundi pati na rin turuan ang mga may-ari ng responsableng pangangalaga at palawakin ang kaalaman ukol sa pag-iwas at pagkontrol sa rabies.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga may-ari ng alagang hayop sa libreng serbisyong ibinigay ng PVET. Inaasahang magpapatuloy ang mga ganitong programa upang mapanatili ang kalusugan ng mga alagang hayop at maprotektahan ang mga pamilya mula sa rabies.#