Mahigit 900 mga trabaho ang binuksan sa Independence Day job fair sa Cauayan City na inilunsad ng Department of Labor and Employment at ang pamahalaang lokal ng Cauayan ngayong araw sa SM City Cauayan.
Bilang pakikiisa sa 125th Independence day celebration, binuksan ang mga oportunidad sa trabaho sa tema na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” na kung saan ay matiyagang pumila ang libong aplikante para makapag-face-to-face interview.
Sa buong rehiyon kasama na ang Cauayan, umabot sa halos 4,000 na mga trabaho ang nabuksan pero 174 lamang ang hired on the spot, ayon kay DOLE Information Officer Chester Trinidad.
Nakadisplay din sa lugar ang ilang mga lokal na mga produkto ng mga small and medium enterprises sa lugar malapit sa job fair area.
Isa si Jonathan Valiente sa mga matiyagang pumila at mag-aantay na lamang ng resulta ng kanyang aplikasyon. Bagaman at fresh graduate raw siya, nais na niyang magkatrabaho agad upang hindi mabakante.
Bago ang programa, nagkaroon pa ng flag-raising at pag-awit ng Lupang Hinirang at maikling talumpati sa naturang gawain.
Personal din na napansin ng pahayagang ito na maayos ang pagsasagawa ng job fair sa naturang mall.#