Nakasentro ang mata ng mga manonood sa mga may breed na aso sa American Bully Dog Show World Cup ng Hulyo 26 ng hapon sa SM City mall sa Tuguegarao City. (Gideon Visaya)

Ulat ng Balitang Hilaga Team/Gideon Visaya at Keith Senica

Nagpasikatan ang mga may breed na aso sa American Bully Dog Show World Cup ginanap sa isang pribadong mall sa Tuguegarao City, hapon ng Hulyo 26.

Ayon sa mga organizers mula sa Philippine-American Bully Registry at mga pribadong organisasyon, maaangas at matatapang man daw ang itsura ng karamihan ng mga bully at iba pang mga breed na aso kita naman sa dog show ang angking ganda at lambing ng halos 50 mga aso na lumahok sa paligsahan.

 Anila, layon ng paligsahan na alisin sa kamalayan ng mga tao na ang asong American Bully at iba pang uri ng mga matatapang na mga aso ay matatapang at katakot-takot, sapagka’t sila umano’y mapagmahal at ideal daw na kasama ng mga fur parents.

Naging patok ang mga alaga ng mga Bully fur parents, breeders at iba pa maliban pa sa mga ibang breeds na sumali rin sa paligsahan.

Isa si Cali, isang Siberian Husky na alaga ni Kyrios Carag ang sumali sa patimpalak na isa rin sa mga ginawaran ng parangal dahil sa talino nito at maayos na pagkaalaga.

Ayon kay Kyrios sa panayam ng Balitang Hilaga Team at iba pang tagapag-ulat, alaga daw si Cali dahil magaling rin itong tumulong sa mga search and rescue teams lalo na kapag may kalamidad.

Pinaalalahan ng mga organizers ang tamang pag-aalaga sa mga aso lalo pa at sunod-sunog ang bagyo sa lalawigan. 

Maliban sa mga Bully, naging patok ang All Breed Fun Show na bahagi ng palabas kung saan nagtagisan sila upang makuha ang titulong Best Small Breed, Best Medium Breed, Best Large Breed at Best in Show.

Sa pamamagitan ng naturang kompetisyon, umaasa ang mga organizer na magkaroon ng inspirasyon ang mga nasa larangan ng pag-aalaga ng aso.

Naniniwala rin sila na sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad ay makita ng publiko ang kahalagahan ng pagmamahal at pagiging responsable sa mga alagang aso.#