Photo courtesy of DENR Cagayan Valley

Ulat ni Villamor Visaya Jr.

Pansamantalang isinara ngayon sa mga turista ang Callao Caves sa Peñablanca, Cagayan simula noong Sabado, July 26, hanggat hindi ito binabawi ng Protected Area Management Board o PAMB dahil sa mga pagguho.

Nakapaloob ito sa inilabas na advisory na pirmado ni Board Chair at DENR Regional Executive Director (RED) Gwendolyn Bambalan dahil sa ilang serye ng rockfall sa bungaran ng kweba, bagamat minor lamang umano ang naitala ng tanggapan. 

Nilinaw ni RED Bambalan sa kanyang advisory na ang closure ay precautionary measure lamang upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. 

Maliban dito, sa panahon na nakasara ito ay isasagawa naman ang masinsinang assessment at evaluation sa lugar para sa kaukulang hakbang na gagawin.

Matatandaan na noon lamang October 2023 nabuksan ang Callao Caves Park mula nang sinarhan ito noong 2020. 

Ipinatupad na rin ng PAMB ang “No Hard Hat, No Caving” Policy sa mga turistang bibisita sa Callao Caves Park.

Ang Callao Caves Park ay itinuturing na numero unong attraction ng Cagayan na matatagpuan sa mahigit 118,700 ektaryang Penablanca Protected Landscape sa Peñablanca, Cagayan.#