Ulat ng BH Team/GIDEON VISAYA
Kumita ng mahigit P1.46-milyong piso na halaga ng Pancit Batil Fotun o 12,000 na plato sa loob lamang ng isang araw ng nakilahok na 49 na mga panisterya ng August 8, mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais trenta ng gabi sa pansit festival grounds sa kahabaan ng Bonifacio street sa Tuguegarao City.
Sa halagang P120 bawat plato ng naturang pansit, pinakamalaki ang kita na naitala ng Mariane’s Panciteria na umabot sa ₱151,920, o 1,266 na plato ng pancit ang kanilang naibenta, kaya’t itinanghal itong top seller ngayong taon. Nabigyan siya ng ₱10,000 na premyo, tropeo at pagkilala.
Sumunod ang Jomar’s Panciteria na kumita ng ₱147,240 sa 1,227 na plato at nabigyan siya ng ₱7,000 na premyo.
Pumangatlo ang Julie’s Panciteria na may kabuuang bentang ₱75,360 o 628 na plato.
Tumanggap din bawat panalo ng kumpletong set ng double burner gas stove at tangke ng LPG na may laman.
Inahayag ni City Mayor Maila Rosario Ting-Que ang kaniyang tuwa sa naging tagumpay ng aktibidad.
“Show the people, the world, what Tuguegarao is made of, especially, best of the best ang ating pansit,” ayon sa mayor.
Uulitin daw at dadagdagan ng mga panibagong konsepto ang Pancit Batil Patung Festival sa mga susunod na taon.#