Ulat ng BH Team
Sa ulat ng MDRRMO Calayan, matapos ang maghapon at magdamag na pagbayo ng malakas na hangin at mabigat na buhos ng ulan na dala ng super typhoon ay tumambad ang mga sira-sirang mga bahay, nabuwal na mga punong kahoy, at mga nasirang pananim sa bayan ng Calayan, Cagayan.
Ang mga bangkang pangisda at pampasaherong bangka ay halos hindi na mapapakinabangan.
Sa ngayon ay nagtulong-tulong na ang mga mamamayan, lokal na opisyal, rescue volunteer, at mga kawani ng pamahalaan para sa clearing operations.
Kaugnay nito, nanawagan ng tulong ang mga nasiraan gaya ni Regina Baybon ng Calayan, Cagayan matapos padapain ng storm surge ang kanilang tahanan dulot ng bagyo. Wala raw nailigtas na mga gamit ang pamilya ni Aling Regina at nakisilong na lang sa mga kapitbahay sa mataas na bahagi ng barangay.
Aniya, tanging mga sarili lamang nila ang kanilang naisalba sa kasagsagan ng bagyo.
Nanawagan naman si Punong Barangay Romel Remolacio ng Centro 2, Calayan, Cagayan ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa pagsasagawa ng clearing operations sa mga lansangan matapos tumambad ang mga pinsalang dulot ng bagyo sa isla.
Halos hindi madaanan ang kanilang mga lansangan dahil sa mga nabuwal na punong kahoy at poste.
Kasalukuyan ngayon ang clearing operations.#