Ulat ng BH Team
Nakatambad ngayong Sept. 23 ang mga nagtumbahang mga puno at mga bahay at paaralan na walang mga bubong dahil sa lakas ng hangin at ulan na hatid ng bagyong Nando sa isla ng Babuyan Claro, isa sa mga isla sa isla na bayan ng Calayan, Cagayan kahapon.
Maliban dito, nangangamba rin ang mga residente sa isla na aabot lamang sa dalawa hanggang tatlong araw ang natitirang stock ng pagkain sa isla ng Babuyan Claro matapos ang pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Babuyan Claro Integrated School head Bernie Nunez ng naturang barangay sa Messenger chat, nabasa ng ulan ang mga bigas at iba pang pagkain nang liparin ng malakas na hangin ang bubong ng mga kabahayan. Wala na ring reserba ang malalaking tindahan dahil sila man ay tinamaan ng bagyo.
Dagdag pa rito, hirap makapunta sa mainland Cagayan ang mga residente upang kumuha ng suplay dahil sa malalakas at matataas na alon.
Nasira rin ng bagyo ang maraming mga bangka, dahilan upang lalong mahirapang makapaghanap ng pagkain.
Kaugnay rito, nanawagan ang mga residente ng agarang ayuda, partikular ng pagkain, na siyang pangunahing pangangailangan sa kasalukuyan.
Umaasa si Nuñez na agad itong matutugunan ng pamahalaan.#