Ulat Ni Felix Cuntapay Jr.
Agro-trade at job fairs at art exhibit, bumida sa pagbubukas ng Panagdadapun Festival sa Quirino kahapon na kinatampukan rin ng pagbibigay parangal sa mga natatanging Quirinians.
Sa tema na “I Love Quirino @ 51: A Celebration of Strength, Resiliency and Unity,” magpapatuloy ang selebrasyon hanggang Sept. 11.
Ayon kay Governor Dakila Carlo Cua, ang pagdiriwang ay pagpapahalaga sa ika- 51st founding anniversary ng Quirino Province na katatampukan rin ng historical dances, exhibits, agro-trade fairs, job fair, coffee table book launching, waste management, street dancing, family games, fun run, concert, dancing and singing contests, beauty pageant, medical-dental service, sports festival, tree planting, bike race at iba pa.
Ang Panagdadapun ay salitang Ilocano na ibig sabihin ay pagtitipon.
Kilala ang Quirino sa mga natural attractions gaya ng Governor’s Rapids sa Maddela, Aglipay Caves and Provincial Forest Park, Siitan Nature Park and Landingan sa Nagtipunan, mga waterfalls at kuweba at iba pang natural hotspots.
Bukas rin ang museum para sa mga art exhibits at repository ng cultural heritage ng Dumagats, Ifugaos, Isinays, Bugkalots, at Gaddang at mga lowlands gaya ng mga Ilokano.
Katatampukan rin ang grand parade ng mga kalahok mula sa mga festivals sa anim na mga bayan gaya ng Penenkakasisit ng Nagtipunan, Pagay-Pagay ng Saguday, Panagsasalog ng Maddela, Ginnamuluan ng Cabarroguis, Pammadayaw ng Diffun, at Panagsalukag ng Aglipay.#