Ulat ni Mel Kathrina Respicio, Contributor
Nangangamba ang mga negosyante at mga mamimili dahil sa pagbabadyang pagtaas ng mga bilihin sa merkado dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa panayam sa media sa Kalakhang Maynila, sinabi ni Department of Trade and Industry Assistant Secretary Ann Cabochan na patuloy pa rin nilang pinag aaralan kung kailangan ba na itaas ang presyo ng mga bilihin na hindi naman gumagamit ng petrolyo.
Sa panayam ng Balitang Hilaga sa mga nagtitinda sa palengke naramdaman na nila ang pagtaas ng bilihin kasabay sa pagtaas ng petrolyo.
Ayon kay Jun Bautista, 25 taong gulang at nagtitinda ng gulay sa palengke, “Halos lahat ng gulay tumaas din, tulad ng kamatis dati 40 ngayon dumoble 80. Yung sibuyas ang bumababa kasi maraming supply. Lahat inaangkat namin. Hindi naman naging matumal, naiintindihan naman nila.”
Sa panayam naman ng nagtitinda ng bigas na si Placido, “Tumataas din ang presyo ng bigas dahil sa pagdedeliver nila. Bago palang ang pagtaas kaya hindi pa gaanong ramdam, yung iba mas pinipili yung mas mababang klase ng bigas”.
Inaasahan pa ang pagtaas ng presyo ng bilihin, kaya’t ito rin ay pinaghahandaan ng ilan sa mga negosyante at mga mamimili.#