APRIL 11, 2022 | Mas pinaigting ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region 2 sa pamumuno ni Regional Director Edward L. Cabase ang isinasagawang anti-colorum operation kasabay na rin ng pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang lugar ngayong Semana Santa.
Sa isinagawang monitoring and enforcement activities ng LTFRB, isang unit ng van ang nahuli sa Integrated Terminal Tuguegarao City ngayong araw matapos matukoy na ilegal na namamasada ng mga pasahero.
Nahuli ang van matapos magbaba ng mga pasahero sa mismong terminal.
Sa pakikipag-ugnayan ng mga LTFRB Enforcers sa mga sakay nito na galing pa sa Pampanga at Manila, nagbayad sila ng nasa 2,000 hanggang 2,400 na pamasahe pauwi ng Tuguegarao City, Cagayan.
Sa ngayon ay nakaimpound na sa tanggapan ng LTFRB ang nahuling van .
Mahigpit ang isinasagawang monitoring at enforcement activities ng LTFRB Region 2 upang masiguro na ang mga pampasaherong sasakyan ay may kaukulang dokumento upang magbiyahe sa rehiyon.
Isa rin sa sinusuri ng mga LTFRB Enforcers ang pagsunod ng mga pasahero sa COVID-19 health protocols.
Kaugnay nito, nagpapatuloy din ang ginagawang pagbabantay ng naturang ahensya sa ibat ibang terminal sa rehiyon bilang bahagi pa rin ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa na naglalayong matiyak ang seguridad ng mga pasahero ngayong Holyweek.(LTFRB Region 2)