Hinuhukay ang mga labi ng natabunan na apat na mga construction workers sa Ambaguio, Nueva Vizcaya kahapon. (Courtesy of MDRRMO Ambaguio, Nueva Vizcaya)

Nasawi ang apat na mga construction workers matapos matabunan sa landslide sa Sitio Naduntog, Tiblac, Ambaguio, Nueva Vizcaya kahapon (September 3) ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Christopher Padua, 38-anyos, residente ng Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya; Rafael Villar, 42-anyos; John Retamola, 25-anyos, kapwa residente ng Ibung, Villaverde;  at Carlos Tome, residente naman ng Purok 7, Bonfal East ng Bayombong, ayon kay kay Police Lt. Christian Vincent Tomas, deputy chief of police ng PNP-Ambaguio sa Nueva Vizcaya. 

Dakong alas-8:30 ng umaga kahapon nang mangyari ang naturang pagguho ng lupa. Gumagawa raw ng concrete slope protection wall sa lugar para maiwasan ang landslides sa lupain na pag-aari ni John Vic Viernes, 39-anyos at residente ng Barangay Don Mariano Perez sa bayan ng Ambaguio.

Bigla umanong gumuho ang lupa at natabunan ng anim na talampakan ang kapal na lupa ang apat na katao.

Rumesponde ang kapulisan ng Ambaguio, BFP, MDRRMO at Tam-an rescue team at isinagawa ang retrieval operations.

Ala-una na ng hapon nang mahukay ang mga labi. Aksidente namang natamaan ng backhoe ang mga ulo ng tatlo sa apat na mga patay na biktima nang hinuhukay ang gumuhong lupa.   

Nasa mga kanya-kanyang bahay na ang mga nasawi matapos ang embalsamo sa punerarya.

 Inako naman ng may-ari ng lupa na si Viernes ang gastusin sa punerarya at sa pagpapalibing.#