Courtesy: PNP Sta. Fe, Nueva Vizcaya

Natagpuan ng isang lola ang bagong silang na sanggol sa damuhan sa gilid ng daan ng Sitio Genato, Villa Flores, Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Police Master Sgt. Diana Foronda, imbestigador ng PNP Santa Fe, narinig ng isang lola ang pag-iyak ng sanggol at nang hanapin nila ito, nakita ang sanggol na nakabalot sa puting tuwalya sa gilid ng daan.

Dahil hirap nang magbuhat, tinawag umano ng lola ang isang binatilyo upang kunin ang sanggol na noon ay naiinitan na sa sikat ng araw.

Agad na dinala ang sanggol sa pinakamalapit na bahay bago isinugod sa Rural Health Unit ng Santa Fe.

“Okay naman yung baby, ayon sa clinic,mukhang ipinanganak lang kaninang umaga dahil di pa naputol ang pusod,” saad ni Foronda.

Dagdag niya, posibleng teenager ang nanay ng sanggol dahil maliit lamang ang timbang nito na nasa 2.6 kls.

Tinawag ang sanggol na “Baby Girl.” Mabuti na lamang umano at hindi pa naabot ng mga insekto o hayop ang sanggol.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP sa pamamagitan ng mga CCTV recordings sa mga daan at pagtatanong kung may mga naitalang buntis sa nasabing lugar.

Ngunit posibleng hindi rin umano residente sa nasabing lugar ang ina ng bata. Marami ring umanong hardinero malapit sa nasabing lugar nang oras na yun subalit hindi napansin kung sino ang nag-iwan sa sanggol.  

 Pansamatalang mananatili ang sanggol sa MSWDO ng Santa Fe.

Posibleng masampahan naman ng kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse Law ang magulang ng sanggol.#