Samot-saring pasalubong, furnitures, mga kagamitan, at one to sawang kainan ang ibinida ng Balamban Trade Fair sa muling pagbubukas ng Balamban Dance Festival sa lungsod ng Santiago, lalawigan ng Isabela.
Kapansin-pansin sa mga ito ang mga obrang nililok mula sa kahoy at naglalakihang upuan at lamesa na nagmula pa sa Kiangan, Ifugao, na siyang mga pangunahing produkto nila Mylene Bianahan, 36 at kasalukuyang naka-display sa harapan ng City Hall.
Isa lamang siya sa halos 20 furniture shops at humigit-kumulang 60 plus food and products stalls na lumahok sa trade fair ng Santiago City na nagsimula naman noong April 14, 2023.
Maliban pa sa mga muwebles at woodcarvings, linya-linya rin ang tindahan ng mga pasalubong tulad ng mga candies, pitaka, mga kwintas, damit at handwoven bags na ang iba ay nagmula pa sa Zamboanga.
Ayon kay Kathryn Jacob, Officer in Charge of Cicato and Director General of Balamban Dance Festival, ang pangunahing bisyon ng 29th Cityhood at kapistahan ng siyudad ay pagkakaisa hango sa ‘Kaisaka’ ni Mayor Sheena Tan.
Kaya naman hinikayat nila ang maliliit na entrepreneurs sa kanilang lokal maging sa ibang probinsya tulad ng Quirino, Nueva Vizcaya at Ifugao na makiisa sa kanilang selebrasyon ngayong taon.
Dagdag pa niya, makatutulong ito upang payabungin ang ekonomiya ng siyudad at isulong ang turismo sa lugar.
Dahil dito, malaki ang pasasalamat ni Ginang Mylene na muling nagbukas ang taunang Trade fair dahil binibigyan sila nito umano ng pagkakataon para maipakita ang kanilang ibat-ibang produkto. Halos dalawang taon din kasi ang hinintay nila para muling makapagtinda gawa ng pandemyang dulot ng COVID19 sa bansa.
Bukas naman ang Trade Fair ng alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng gabi. Tatagal ito hanggang Mayo a singko sa kasalukuyang taon. Samantala, magsisimula naman ang highlights ng Balamban Dance Festival sa April 29 at matatapos sa May 5 sa pamamagitan ng isang Grand Concert na idaraos sa Integrated Terminal Complex, Fourlanes, Santiago City.