PINUKPOK ng matigas na bagay ang ulo dahil sa malaking sugat nito sa ulo kaya namatay at itinapon sa irigasyon ang katawan ng isang babaeng estudyante sa Sitio Korocan, Salinungan West, San Mateo, Isabela.
Natagpuan kamakalawa, Marso 11 ng umaga, ang katawan ng 20-anyos na si Maehyezine Get-ang Concepcion, isang Computer Engineering Student ng Ifugao State University, may-asawa at may 9-buwan na gulang na anak at residente ng Barangay Namnama Alfonso Lista, Ifugao, kapitbahay na bayan ng San Mateo at Ramon sa Isabela.
May tali pa ang mga kamay at nakabalot ng kumot ang katawan ni Maehyezine nang makita sa irigasyon. Maaaring nakababad na raw ng apat hanggang limang araw ang katawan ng biktima sa tubig. Una nang idineklara na nawawala ang biktima noong Pebrero 20 at may flash alarm ang kapulisan ng Alfonso Lista dahil sa kanyang pagkawala.
Samantala, nakikipagtulungan ang pulisya ng San Mateo sa Alfonso Lista para malaman kung saan pa ito nagpunta nang sumakay ng motorsiklo sa bahagi ng Santa Maria sa Alfonso Lista, Ifugao.
Narekober ang kanyang motorsiklo pero may ulat na sumakay ito ng ibang motorsiklo bago nawala. Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng babae para malaman ang naging sanhi ng pagkamatay nito.#