Ulat ni Demie Faith Danday
Palasak na ang mga Binallay, Inatata at Moriekos dahil iniluluwas na rin ito sa ibang bansa tulad ng Canada, Italy, New York, Saudi Arabia, Virginia, USA.
Sa katunayan, ang mga celebrities na tulad nina Aga Mulach at Erwan Heussaff ay personal na dinalaw at pinuntahan ang isa sa mga pinakamatagal ng gumagawa ng Binallay at Moriekos sa Bayan ng Ilagan City.
Isa na nga ang Binallay at Moriekos sa mga ipinagmamalaking pang-angkat na produkto ng Ilagan City, Isabela.
Ang isa sa orihinal na gumagawa nito ay ang pamilya ni Aling Merly Baggao, 62 taong-gulang, at ang bagong may-ari ng pagawaan ng Binallay at moriekos. “Minana ko ito sa biyenan ko, 80s pa gumagawa na kami,” pahayag ni Aling Merly Baggao.
Ayon sa kanya, alas-sais pa lamang ng umaga nagsisimula na silang gumawa ng Binallay at Moriekos, mula sa pagbili at paghahanda ng mga sangkap mula sa palengke.
Ang mga pangunahing sangkap sa paggawa ay malagkit na bigas, niyog, panutsa at asukal.
Para sa Binallay, kailangan munang ibabad ng isang oras ang anim na salop na malagkit na bigas bago ito ipagiling at balutin gamit ang dahon ng saging, ang sarsa naman nito ay hiwalay na lulutuin, paghahaluin ang katas ng niyog, panutsa at asukal sa kaserola bago isalang sa apoy, hahaluin lamang ito hanggang sa lumapot at makuha ang tamang timpla.
Sa paggawa naman ng moriekos, kailangan munang pasingawan ang pito at kalahating salop ng bigas na malagkit bago ito ihalo sa naluto ng sarsa na gawa rin sa katas ng niyog, panutsa, asukal at latik. Babalutin din ito gamit ang dahon ng saging bago itali ng tig-sampung piraso bawat atado.
Katulong ni Aling Merly ang kanyang mga kamag-anak na sina Concepcion Enaje, Vilma Tagao at Rosalia Baggao sa paggawa ng kanilang produkto.
Sa mga buwan ng Disyembre at Abril ang pinakamalakas nilang benta, dahil ito ang piyesta ng kanilang lugar at panahon ng Semana Santa. #