Pinaaalalahanan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Isabela ang mga taxpayers na magbayad ng tamang buwis at tandaan ang April 17 deadline ng income tax filing.
Inihayag kanina April 3) ni Revenue District Officer Roberto Gazzingan ng BIR-Isabela, na puspusan ngayon ang kanilang kampanya laban sa mga tax evaders habang tigil muna ang tax mapping at iba pang audit at field operations dahil sa Semana Santa.
Una rito, nakamit ng BIR-Isabela ang positibong goal sa collection ng Marso 2023 na may koleksyon na P336.91-milyon kung ikukumpara sa nakaraang taon ng Marso 2022 na may 316.75-milyon na koleksyon. Dahil dito, may P20.16-milyon na sobra sa goal target ng tanggapan.
Pagkatapos lamang ng holiday ay paiigtingin daw nila ang tax mapping at iba pang verification drives ng tanggapan para matiyak na nagbabayad ng tamang buwis ang mga indibidwal, korporasyon at iba pa.
Kaugnay nito, hanggang Hunyo 14 na lamang ngayong taon ang tax amnesty sa estate tax para sa mga kaanak ng mga namatay ng Disyembre 2017 at bago pa ng nasabing petsa. Nasa anim porsiyento ng net taxable estate tax ang babayaran at wala nang penalties.
Samantala, mabisa naman daw ang proyektong Online Registration and Update System dahil gumagamit na ng mga kompyuter sa online ang mga taxpayers at di na kailangan pumila sa tanggapan ng BIR.#