NAGTIPUNAN, QURINO – Ipinagdiwang ng Tribong Bugkalot/Ilongot ang kauna-unahang Bugkalot/Ilongot day Celebration na ginanap sa Landingan, Nagtipunan, Quirino noong ika-23 ng Hulyo taong kasalukuyan. Ito ay may temang “Strengthening Unity among the Bugkalot/Ilongot Ancestral Domain Holders.”
Dinaluhan ng halos 2,000 mga kasapi ng tribu mula sa probinsya ng Quirino, Nueva Vizcaya at Aurora.
Ipinamalas sa mga dumalo ang galing sa pagsayaw ng mga natibong sayaw ng mga Bugkalot at Ilongot sa lugar kabilang rito ang pagsasaya kapag may kasal, binyag, at iba pang okasyon gayundin ang mga sayaw sa panahon ng ani at iba pa.
Makasaysayan ang naturang pagdiriwang dahil naipagkaloob sa tribo ang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT). Ito ay may lawak na 212,773.4679 ektarya na nasasakupan ng mga bayan ng Nagtipunan, Quirino; Dupax Del Norte, Kasibu, Nueva Vizcaya; Maria Aurora at Dipaculao, Aurora, Dupax Del Sur at Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya.
Layunin ng pagdiriwang na ipalaganap ang pagkakaisa sa mga kasapi ng tribo. “Tayo ay nahaharap sa pinaghahati-hati tayo ngunit isipin natin, tayo ay magbuklod-buklod, magkaisa sa iisang paninindigan na lupa natin ito dapat nating alagaan, ayusin at ipagmalaki,” ani Rosario Camma, Chieftain ng Tribong Bugkalot/Ilongot. #