Photo courtesy: SDO-Cauayan City/SDO-Ilagan City/SDO-Isabela/SDO-Cagayan/SDO-Tuguegarao City

Ulat ng Balitang Hilaga

CAUAYAN CITY-Muling bumandera ang mga manunulat ng Schools Division Office ng Cagayan sa Regional Schools Press Conference o RSPC matapos makamit muli ang kampeonato ngayong Abril 6 hanggang 9 na ginanap sa siyudad na ito.

Pangatlong sunod na taon na ito na overall champion ang lalawigan.

Nagpasalamat si Dr. Reynante Caliguiran, Schools Division Superintendent ng Cagayan sa tulong at suporta ng mga pinuno sa mga qualifiers at sa naging tuloy-tuloy na pagsasanay para makopo ang tagumpay.

Pumangalawa ang Isabela habang pumangatlo ang Tuguegarao City sa pangkalahatan.

Sa mga indibidwal na kumpetisyon, nanguna ang Isabela sa sekundarya pero pangalawa lamang sa elementarya.

Sa mga pahayagan, pare-parehong naitala ng Cagayan, Tuguegarao City at Isabela ang unang puwesto.

Nanguna naman sa mga kumpetisyon sa grupo ang Isabela sa Collaborative Desktop Publishing (Ingles at Filipino) at Radio Scriptwriting and Broadcasting (Filipino). Pumangatlo lamang ang Isabela sa sekundarya.

Gayunman, 26 ang qualifiers sa Isabela na dadalo sa National Schools Press Conference (NSPC) na gaganapi sa Vigan City sa Mayo 2025 dahil sa lima rito ang nanguna sa indibidwal at tatlong koponan sa mga paligsahan sa grupo.

Sa elementarya, nanguna si Jayden Manipon ng La Salette of Roxas sa Column Writing-English habang nanalo si Maria Kristina Cassandra Lampitoc ng Pulay-Union Kalinga Elementary School-Luna District sa News Writing-English.

Nanalo naman si King Gelo Corpuz ng Benito Soliven Central School sa Sports Writing-Filipino.

Sa sekundarya, nanguna si Koleen Kate Cadiente ng San Mariano National High School sa Editorial Cartooning-Filipino at Aveline Buella ng Angadanan National High School sa Column Writing-Filipino.

Samantala, itinanghal na kampeon ang TV Broadcasting Team (Secondary-Filipino) ng Cauayan na binubuo nina Aldwyn Delmendo, Paula Arzadon, Angelo Gamboa, Reese Aguinaldo, Alliyah Uy, Tiffany Sayo, at Cedric Francisco.

Naging kampeon naman sa Online Publishing ang City of Ilagan sa pamamagitan ng Ang Kabataan ng Isabela National High School na binubuo nina Mischa Catindig, Carl Bunagan, Faith Gatan, Kimberly Manalo at Bea Mei Navarro.

Sa pagsusulat ng balita sa sekundarya sa Filipino, nanguna si Maria Hazel Anne Albano ng Cauayan City.

Nakamit naman ni Christian Diether Costales ng St. Paul University sa Tuguegarao City ang kampeonatao sa Pagsulat ng Editoryal-Filipino.#