Sinampahan ng kasong vote-buying sina Cauayan City Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr. at ang katandem na para bise mayor na si Benjie Dy ng kanilang katunggali na si Bill Dy, na kanilang tiyuhin, sa tanggapan ng Isabela provincial election office sa City of Ilagan.
Sinampahan din ng paglabag sa election at iba pang batas si dating mayor at ngayon ay ambassador ng Switzerland Bernard Faustino Dy dahil umano sa tahasang pangagampanya sa pamamagitan ng social media sa pinsan na si Jaycee Dy, tumatakbo sa pangalawang termino bilang mayor at mga kaalyado nito.
Ang vote-buying naman ay isinampa kay Jaycee Dy sa diumano ay pamimigay ng pera nito sa isang senior citizens’ party sa Rizal, Cauayan City na kung saan ay pinapila raw ang mga ito at binigyan ng tig-isanlibong piso.
Sa kaso naman daw ni Benjie Dy, nakunan sa video ang isang supporter niya na binigyan ng pera diumano ng naturang kandidato. Nagpasalamat rin kalaunan ang naturang supporter.
Ipapadala daw sa panrehiyong tanggapan ang mga dokumento para sa pormal na pagendorse sa pambansang tanggapan ng Comelec hinggil sa naturang kaso, ayon kay Atty. Manuel Castillo, panlalawigang pinuno ng Comelec-Isabela.
Wala pang pahayag ang mga isinasangkot sa kaso habang wala pa raw silang natatanggap na kopya ng asunto. Di pa rin sila sumagot sa mga tawag at text para sa kanilang panig.
Magtiyuhin ang magkalaban na sina Jaycee at Bill Dy. Anak ni dating mayor Ceasar Dy Sr. si Mayor Jaycee Dy. Kapatid naman sa ama ni Ceasar si Bill Dy.#