Nakatanggap ng parangal bilang Centenarian Awardee at ayuda na tseke na P100,000 si Nanay Florentina Lapitan, isang 102 yrs old na taga-Brgy. Liwanag, Tumauini, Isabela noong Biyernes, Hulyo, 29, 2022 mula sa Department of Social Welfare and Development batay sa Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016 na nagsasaad na mabibigyan ng P100,000 ang kahit sino na Pinoy na umabot ng 100 taong gulang pataas.
Ang masaklap, matapos ang dalawang araw, si Nanay Florentina ay yumao din nung Linggo ng gabi, Hulyo 31, 2022. Ipinagdiwang niya ang kanyang ika-102 na kaarawan noong ika-20 ng Marso at natagalang iproseso ng kaniyang pamilya ang mga papeles para sa Centernarian Award dahil sa COVID-19 pandemic.
Ipinapahatid naman ng kaniyang mga naiwang anak ang kanilang pasasalamat sa DSWD at pamahalaang local ng Tumauini, Isabela na bago sumakabilang buhay ang kanilang ina ay naiaward kay Nanay Florentina ang tulong. Gayunman, problema ng mga anak ngayon ang pagpapalit ng tseke dahil namatay na ang kanilang nanay. Aayusin pa raw ang mga kinakailangang papeles at proseso.
Kwento ng kanyang manugang na si Concepcion Lapitan, asawa ng kaniyang nag-iisang anak na lalaki na si Noblito Lapitan, natigil ang kanilang pag-aayos ng mga papeles para sa Centenarian Award dahil sa COVID-19 pandemic. Dahil sila rin ay may mga edad na, pinagbawalan muna silang lumabas. Dalawang taon din na natengga ang pagsasaayos ng papeles ni Nanay kaya umabot pa ito ngayong taong 102 na siya bago nila naiayos lahat. Kaya nang medyo lumuwag na ang covid-19 protocols sa Brgy. Liwanag at Tumauini, muli nilang inayos ang mga papeles ni Nanay Florentina.
Naiwan ni Nanay Florentina ang limang anak na babae at nag iisang anak na lalaki. Dahil naman lalaki ang bunso, dito siya tumira hanggang siya ay tumanda. Kuwento pa ng kanyang manugang na mahigit 50 taon nang byuda si Nanay at hindi na daw ito nakapag-asawa ulit. Naging housewife na lamang daw siya at naging Lola sa kaniyang mga apo. Si Nanay daw ay hindi palareklamo at masaya daw itong namuhay ng simple kasama ang lalaking anak at kanilang pamilya. Lagi daw nila maaalala si Nanay Florentina bilang isang ina na masiyahin. Siya daw iyong tipo ng tao na kahit anong pagkain ang ihain mo ay kakainin pa rin niya ito. Mahilig daw siya sa gulay.
Dahil sa katandaan, unti-unti raw na nanghina ang katawan niya kaya namatay na.#