Tatlong opisyal ang umaangkin sa puwesto sa Paracelis, Mountain Province kaya hinimok ang Comelec na magpalabas na ng resolusyon.

Ulat ni Jun Cuntapay

Hinimok ang Commission on Elections na magpalabas na ng resolusyon dahil sa pag-aagawan ngayon sa posisyon ng pagka-alkalde ang tatlong pulitiko sa Paracelis, Mountain Province.
Nasa tanggapan pa rin ng mayor si Dr. Marcos Ayangwa dahil siya raw ang dapat na umupong mayor matapos na makansela ang certificate of candidacy ng nanalong mayor na si Avelino Amangyen noong Abril dahil sa material misrepresentation.
Ayon kay Ayangwa, ang COMELEC ang makakaresolba sa isyung ito dahil ang komisyon ang may mandato sa pagresolba sa legal question sa mga elective officials ng bansa.Naghain ang abogado ni Ayangwa ng Letter of Opposition sa DILG Central Office sa Quezon City para kuwestiyunin ang legal opinion ng DILG CAR na naglalagay kay Vice Mayor Rafael bilang acting mayor.
Una nang pinatawan si Amangyen ng parusang reclusion temporal o 12 taon at isang araw hanggang 20 taon na may kaakibat na accessory penalty na perpetual absolute disqualification dahil sa conviction nito sa illegal logging na kaso.
Nanalo si Amangyen sa pagka-alkalde matapos makakuha ng 9,220 votes laban sa katunggaling si Ayangwa na mayroong 5,185.
Matatandaang naghain sa 2nd Division ng Comelec Central Office ng COC cancellation ang isang Franklin Talawec laban kay Amangyen na nakansela ang kandidatura kalaunan. Wanted ngayon sa batas si Amangyen dahil sa kaso.
Batay sa naman sa utos ng DILG, kailangang kilalaning pansamantalang mayor ng Paracelis si Vice Mayor elect Djarma Rafael dahil habang wala pang resolusyon ang Comelec kung sino kina Amangyen at Ayangwa ang uupo.#