Courtesy: PNP Baggao Cagayan

Namatay ang isang dalagitang estudyante na angkas habang sugatan naman ang driver na isa ring menor de edad na dalagita matapos bumangga sa puno ng niyog ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Brgy. Mocag, Baggao, Cagayan.

Sa ulat ng PNP Baggao, kinilala lamang ang biktima na si alias Bina, 14-anyos, Grade 8, at residente sa Brgy. Mabini habang ang sugatang driver ay kinilala namang na si alias Lyca, 15-anyos, Grade 9, at residente ng Brgy. Bitag Pequeno, Baggao.

Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, lulan ng motorsiklo ay tinatahak ng dalawang biktima ang daan patungo sa Brgy. San Jose nang biglang nawalan ng kontrol sa manibela si Lyca habang nasa kurbadang bahagi ng kalsada. Dahil sa bilis ng patakbo ay hindi na nagawang makaiwas ng mga biktima dahilan upang bumangga ang mga ito sa isang puno ng niyog na nasa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng impak ng pagkakabangga ay nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang menor de edad na agad isinugod ng mga rumespondeng otoridad sa pagamutan nguni’t idineklarang dead on arrival si Bina.#