Dalawang katao ang nasawi habang isa ang sugatan matapos mabangga ng isang pick-up ang tatlong lalake na nasa gilid ng kalsada sa National Highway, Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya kamakailan.
Ayon sa ulat, isang Pick-up ang sumalpok sa tatlong lalake na nasa tabi ng isang nakaparadang traysikel. Bago rito, tumataya raw ng numero sa STL ang tatlong lalaki sa tabi ng traysikel nang bigla silang mabangga ng Pick-up na papunta sa hilagang direksyon.
Dahil sa tindi ng pagkabangga, tumilapon ang dalawang biktima at bumangga sa isang traysikel ang isa sa mga biktima. Agad silang isinugod ng mga rumespondeng bumbero at medical workers sa Region2 Trauma and Medical Center para sa agarang lunas. Namatay ang dalawa habang ginagamot habang nagpapagaling ang isa pa mula sa tinamong sugat.
Patuloy ang pagsisiyasat ng kapulisan habang kakasuhan ang drayber ng pick-up(di-pinangalanan dahil sa data privacy) na sumuko rin kalaunan.#