Larawan mula sa Balitang Hilaga team

Ulat ng BH Team

NAGUILIAN, Isabela-Nasawi ang mag-asawa na pasahero ng Victory Liner bus matapos bumaliktad ang  sa bahagi ng national highway sa Barangay San Manuel, Naguilian, Isabela kaninang 11 ng umaga, Agosto 23.

Kinilala ni Police Maj. Junneil Perez, hepe ng PNP-Naguilian ang mga nasawi na sina Oliver at Myrna Corpuz, mag-asawa na taga-Andres Bonifacio, Diffun, Quirino.

Ang babaeng Corpuz ay dinala ng mga rescuers sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa City of Ilagan habang ang asawa nito ay sa Providers Medical Hospital sa bayan na ito.

Kinilala ang iba pang pasahero na sugatan na sina Richelle Dutdut, 43 anyos ng Poblacion, Sta Ana, Cagayan (bus conductor); Dominador Antolin III, 23-anyos ng Dubinan, Arellano Street, Santiago City; Marvin Balinag, 34 anyos ng Barangcuag,Angadanan, Isabela at Wilmer Dumo, 28-anyos na sundalo ng Placer, Benito, Soliven, Isabela.

Giit ng driver na si Jerome Rivera, 46 anyos, residente ng Calaocan, Santiago City, Isabela, hindi niya makontrol ang manibela nang nawalan ng preno ang sasakyan.

Galing ng Tuguegarao City ang bus na may plakang CXU 844 at patungo sanang Maynila nang hindi umano kumagat ang preno ng sasakyan dahil sa pababa at madulas na kalsada sa bahaging iyon ng Naguilian, kung kaya’t sumalpok sa poste ng kuryente bago bumaligtad.

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries, and Damage to Properties si Rivera. ###