Arestado ang dalawang estudyante sa Solana, Cagayan dahil sa pagtutulak ng iligal na droga

CAMP ADDURU, Tuguegarao City – Arestado ang dalawang estudyante sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 2, Basi West, Solana, Cagayan kahapon.

 Kinilala ang kapwa 20-anyos na mga suspek na sina Vince Marl Carayugan, residente ng Centro, Peñablaca at Charles Furigay, residente ng Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, Cagayan at parehong kabilang sa tala ng mga Street Level Individuals.

Ayon sa hepe ng Solana Police Station na si Police Major John B Urani, bumagsak sa kamay ng PNP ang dalawang suspek matapos magbenta ng isang pakete ng hinihinalang “Shabu” sa isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer.

Nakumpiska rin mula sa pag-iingat ni Furigay ang labindalawang pakete ng hinihinalang “Shabu”; itim na motorsiklo na may plakang 915BIY; isang libong piso at dalawang pirasong one-thousand-peso bill na boodle money samantalang isang cellular phone naman ang narekober mula kay Carayugan.

Ayon sa pagsisiyasat ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 (PDEA-R2), humigit kumulang Php35,000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando kabilang ang nasa isa’t-kalahating gramo ng Shabu.

Ang mga suspek ay nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings ngayong araw dahil sa pagbebenta at pag-iingat ng ipinagbabawal na gamot na paglabag sa seksyon 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. #