Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Dalawang kalalakihan na sangkot sa Robbery ang naaresto ng PNP Santiago sa isang gasolinahan na matatagpuan sa Provincial Road Purok 1, Sagana Santiago City bandang 8:56 kanina umaga, ika-17 ng Septyembre 2023.

Batay sa report ng Santiago City Police Office kay PRO2 Regional Director PBGEN CHRISTOPHER C BIRUNG kinilala ang mga suspek na sina alyas “CJ”, 23 taong gulang at residente ng Purok 4A, Caloocan City at alyas “EJ”, 22 taong gulang at residente ng Purok 2, Victory Norte, Santiago City.

Ang matagumpay na pagkakahuli ng dalawang suspek ay sa agarang pagreport ng biktimang si Araceli Brillo, 52 taong gulang at residente ng Santiago City sa nga kapulisan ng Santiago City Police Office na agad naman nagreponde sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa biktima, naiparke nito ang kanyang motorsiklo sa bakanteng lote nang nasabing gasolinahan at ilang sandali pagbalik nito sa lugar kung saan sya nagparke ng kanyang motor ay nagulat na lamang nang maaktuhang binubuksan ng mga suspek ang U-box ng kanyang motor na agad naman naireport sa himpilan ng pulisya ng Police Station 4.

Narekober sa mga suspek ang labindalawang (12) iba’t ibang Identification Cards ng may iba ibang pangalan ng register owners ng motorsiklo; pera na nagkakahalaga ng Php510.00; dalawang OR/CR ng motor; apat na pitaka (wallets); tig isang shoulder bag at sling bag na naglalaman ng iba’t ibang resibo ng isang unregistered motorcycle na walang nakalagay na pangalan.

Sa ngayon ang mga suspek at mga narekober na ebidensya ay nasa kustodiya ngayon ng Police Station 4, Santiago City Police Office para sa dokumentasyon at mahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (Robbery).

Pinuri ni PBGEN BIRUNG ang mga kapulisan ng Santiago City Police Office sa agarang pagkakahuli ng mga suspek na sangkot sa Robbery at masampahan ng kaukulang kaso. Aniya, hinikayat nito ang lahat ng mga mamamayan na makipagtulungan sa ating mga kapulisan upang ang kaayusan at kapayapaan ng Lambak ng Cagayan ay ating makamtan.

PNP PRO2 Press Release

Photo Courtesy: PNP Region 2