Ulat ni Villamor Visaya Jr
Dalawang libong kilo ng Malaga, iniihaw sa Malaga at Guraman Festival sa Buguey, Cagayan, July 26.
Sabay-sabay na inihaw at pinagsalo-saluhan ng mga residente at bisitang nakisaya sa selebrasyon ang mga Malaga na may kasama ring Lechon na may palaman na crabs o alimango.
Ayon kay Buguey Mayor Licerio Millare Antiporda III, ang dalawang toneladang inihandang malaga ay bahagi ng 44,000 kilos na harvest ng malaga growers ngayong taon.
Bahagi rin nito ay nabili mula sa mga nag-forced harvest na mga Malaga kamakailan dahil sa bagyong hatid ni ‘Crising’.
Ipinaliwanag din ni Mayor Antiporda na ang pagkakaroon ng maraming festival sa bayan ng Buguey ay hindi lamang para sa kasiyahan, nguni’t isa rin aniya itong paraan ng pamumuhunan ng Lokal ng Pamahalaan ng Buguey na makatutulong upang maiangat ang ekonomiya at pamumuhay ng mga residente.
Dagdag pa ni Mayor Antiporda, ang selebrasyon ng Malaga at Guraman Festival ay tanda rin ng pasasalamat sa kanilang patron na sina St. Anne at St. Joachim dahil sa patuloy na pagkakaloob ng masaganang biyaya.
Muling nanawagan si Mayor Antiporda sa mga national government agency na bigyang-pansin at suportahan ang mga programang isinusulong ng lokal na pamahalaan na nakatuon sa pagpapalakas ng aquatic resources. Hindi lamang aniy ito para sa kanilang nasasakupan, nguni’t makatutulong din ito sa mga karatig bayan at probinsiya, lalo na sa panahon ng kalamidad kung saan walang mapagkukunan ang mga residente, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda ng kanilang pangangailangan.
“So, tulungan niyo po kami na palakasin at paigtingin itong programa natin sa fisheries dahil hindi lang naman dito sa Buguey ang nangangailangan nito, puwede rin itong makatulong sa mga karatig bayan at sa mga karatig probinsiya sa Cagayan,” panawagan ni Mayor Antiporda.
Sa pagtitipon, isinagawa rin ang Malaga at Guraman Dance Competition kung saan nagpasiklaban ang estudyante ng kanilang angking galing sa pagsayaw. Itinanghal bilang kampeon ang Pattao National High School – Main Campus; nasungkit naman ng Pattao National High School- Maddalero Extension ang ikalawang puwesto, habang nakuha naman ng Licerio Antiporda Sr. National High School ang ikatlong puwesto.#