Courtesy: CPIO

Nasakote na ng mga otoridad ang dalawang suspek na umano’y sangkot sa brutal na pagpatay kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at sa lima pa nitong security escort sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Alyas Ramon, lider ng isang Potential Private Armed Group (PPAGs) na residente ng Brgy. Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija at si Alyas George, miyembro ng PPAGs, at residente ng Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.

Ayon sa ulat, matapos ang masusing monitoring at beripikasyon sa kinaroroonan ng mga suspek, agad isinagawa ang pagsisilbi ng kanilang mga Warrant of Arrest, kung saan nahaharap ang mga ito sa anim (6) na bilang ng kasong Murder at walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Samantala, tiniyak naman ng mga otoridad na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon sa kaso upang matukoy ang pagkakakilanlan ng iba pa nilang mga kasabwat sa pagpatay sa Aparri 6.

Kung matatandaan, Pebrero 19, 2023 nang tambangan ng mga suspek ang mga biktima na sina Vice Mayor Alameda kasama sina Abraham Ramos, Jr., John Duane Alameda, Alvin Abel, Ismael Nanay, Sr., Alexander Delos Angeles sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa ngayon ang mga suspek ay nasa kustodiya ng Bayombong Police Station para sa dokumentasyon bago ibalik ang Warrant of Arrest sa issuing court.#