Tupok ang isang bahay at isang tindahan nang madawit sa banggaan ng dalawang track na nasunog rin sa Diadi, Nueva Vizcaya.(PNP-Diadi, Nueva Vizcaya)

By SAMMY BALTAR

Nagsalpukan at lumiyab ang dalawang trailer truck na nagbunga ng pagkasugat ng tatlong tao sa national highway sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya kamakailan.
Ayon sa pulisya ng Diadi, ang nagbanggaan ay isang Howo trailer truck na minamaneho ni Wilfredo Faustino, 66 anyos at residente ng Malolos, Bulacan at isang Izuzu trailer truck na minaneho ni Walter Taguinod, 44 anyos at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon kay Police Executive Master Sergeant Denish Estrada ng PNP-Diadi, binabagtas ng dalawang truck ang magkasalungat na direksiyon nang mangyari salpukan ng mga ito sa palikong bahagi ng daan.
Dahil sa lakas ng banggaan ay parehong nagliyab ang dalawang truck.
Nadamay sa pagkasunog ng mga ito ang isang tindahan at ang bahay na pag-aari ni Delmar Garcia.
Kapwa nagtamo ng sugat sa katawan ang driver ng dalawang trailer truck at ang helper na si Christopher Flores, 42 anyos na pawang dinala sa isang ospital.
Tumagal ng higit isang oras bago naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) Diadi ang sunog na tumupok sa dalawang truck.#