Nanindigan ang Department of Agrarian Reform Region-2 sa mga proyekto ng ahensiya partikular na ang pagpapalakas sa programa nila para sa kanilang mga Agrarian Reform Beneficiaries sa Rehiyon.
Ayon kay Regional Director Primo Lara ng DAR Region-2, puspusan ang ginagawa nilang partnership program upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga ARBs’.
Katuwang nga ang Department of Health, nilagdaan ng dalawang ahensiya kamakalawa ang proyektong naglalayong wakasan ang kahirapan at kagutuman para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Lambak ng Cagayan.
Sinagot rin ni Lara ang mga katanungan ukol sa mga isyung kinahaharap ng kanilang opisina. Isa na nga rito ay ang mabusising proseso sa pagkuha ng mga lupa sa ilalim ng departamento at “limited coverage” sa mga programa nito.
Nilinaw naman niya na hindi ekslusibo at hindi tanging ARBs lamang ang saklaw ng kanilang mga inisyatibo.
Giit niya, pinawalang bisa na ang 57.56 bilyong utang ng mga ARBs dahil sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Bong Bong Marcos o ang Republic Act 11593.
Dagdag pa niya, umaabot na sa isang daang libong benepisyaryo ang natulungan ng R.A 11593 simula sa unang buwan ng implementasyon nito.
Hinimok naman ni RD Lara ang mga makakaliwang grupo na makipagtulungan nalang sa kanila sa pagkamit ng mga konkretong resulta at itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa mga programa ng naturang ahensya.#