Ulat ni GIDEON VISAYA
Dating PNP Chief Edgar Aglipay, nanumpa na bilang hahalili na bagong gobernador sa lalawigan ng Cagayan kaninang alas-dose ng tanghali, Hunyo 30.
Sa harap ni Justice Ramon Paul Hernando ng Korte Suprema bilang administering officer sa oath-taking sa Kapitolyo ng lalawigan, nangako si Aglipay na gagawin nya ang mga legal, makaDiyos at makatao na paraan para sa pag-unlad at kapayapaan sa Cagayan.
Isa raw sa tututukan nya ang pagpapatayo ng mga solar power projects lalo na sa northern Cagayan upang punan ang kakulangan ng tustos na kuryente para sa mga investments at industriya.
Pagkaraan nito, isinagawa agad ang pagsasalin ng katungkulan ni Outgoing Governor at bagong Bise Gobernador Manuel Mamba.
Nanindigan rin si Mamba na makikipatulungan ang lokal na lehislatura sa ehekutibo ng lalawigan na naaayon sa batas.
Dumalo naman sa oath-taking ang dalawa sa tatlong kongresista, sina 1st District Rep. Ramon Nolasco Sr. at 2nd District Rep. Aline Vargas-Alfonso na parehong kalaban ng kanyang mga kaalyado noong nakaraang halalan.#